bed scenes

Jun 11, 2009 by rowan in Verses

humahabi ng salimuot
ang magkasiping nating mga palad.

***

ang nakatitig na kisame
ay hindi mapanatag.

***

hindi magawang matiyak ng oras
kung kailan titigil
ang pintig ng pulso.

***

pigil ang hininga:

***

sinong mang-iiwan?

***

walang gustong
lumabas ng kwarto.


Sikil

Feb 23, 2009 by rowan in Verses

Dahil kahit anong gusto mong pag-ipon,
matipon lamang sa silid na ito

ang mga kinipkip na init,
magsasatinig pa rin ng sabik

ang lumulundo mong katre
lalo’t sa mga oras ng pagpapakabanal;

ang ingit ng dasal na nananabik, nagmamakaawang
marinig kahit ng kalapit-silid

pilit na hahanap ng siwang sa bintana
o ng uwang sa pintong nakaligtaang sarhan.

Kung kaya mo lamang hawakan ang apoy,
kung sana ay nahihipo mo ang gabi,

napaaamo sa bawat nasa o nais,
tiyak ikukulong ito sa palad kahit sandali -

nang sa pag-igtad ng layon, makalulundag
ang layaw na makailan nang itinanggi
kung hindi man minsan nang kinitil ng malay.

23 Pebrero 2009
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia


Salaysay ng sidhi

Feb 23, 2009 by rowan in Verses

Nalasahan mo sa malambot niyang labi
ang pagsalangsang. Mapait.
Kayang pumunit ng bait.
Ngunit tumugon ka lamang
nang mas maalab na halik.

23 Pebrero 2009
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia


D. It is written.

Feb 14, 2009 by rowan in Verses

Latika,

Ito ang kapalaran ngayong gabi:
at nasusulat ang kamatayan
tulad nang pagbuhos ng ulan -
ang tubig, ang lamig
ng pangungulila sa pag-ibig;
tatakas tayo upang papaghiwalayin lamang
ng higpit ng pananabik
ngunit muli’y ibabalik nitong tren
sa ating mga bisig.

Pagkat ito ang nasusulat:
Tayo ang kapalaran ngayong gabi
at hindi ang milyong salapi.

Jamal

14 Pebrero 2009
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

(matapos manood ng Slumdog Millionaire)


14

Feb 14, 2009 by rowan in Verses

ngayong pulang-pula ang Dangwa
ano’t nabubuo ang mukha mo
sa mga naggigitgitang rosas sa flower shop?
at bakit nananariwa ang mga sakit
ng tinik sa dibdib na matagal ko nang inilibing
kasama ng iyong pag-alis?

14 Pebrero 2009
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia



Recently

bed scenes

Jun 11, 2009 by rowan in Verses

Sikil

Feb 23, 2009 by rowan in Verses

Salaysay ng sidhi

Feb 23, 2009 by rowan in Verses

D. It is written.

Feb 14, 2009 by rowan in Verses

14

Feb 14, 2009 by rowan in Verses