Maraming gabi na rin akong nagkakapeng mag-isa

Tuesday, June 24th, 2008 @ 9:29 am | Verses

Hindi sumagi sa isip
na ako na ang maghahanda
ng  sarili kong kape
kapag ganitong ginagabi
sa pananaludtod
at pilit hinahatak sa ulap
ang mga gasgas
na imahen ng lungkot.

Nakahiligan kasi nitong panlasa
ang iyong masarap na timpla
na humahalo sa mga salitang ibinukod.
Sumisiping sa labi itong mutya 
kapag hinihigop na sa tasa ang mga kataga -
Init. Pait.
Pait. Tamis.
Tamis. Init.
Gumagapang ang lagnat
sa dila,
sa dugo,
sa titik
tumutugma.

Maraming gabi na rin akong
nagkakapeng mag-isa
ngunit di pa rin makuha ang tamang timpla-
Init. Pait. Tamis.
Hindi mahuli ng dila ang lasa -
Lumiligid, umiikot, tumitining lang sa tasa
kahit anong halo ng kutsarita.

05 Hunyo 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

 

One Response to “Maraming gabi na rin akong nagkakapeng mag-isa”

  1. cristina Says:

    this so real! pasensya na owan, di ako nagkakape sa gabi kaya di kita masasaluhan. hehehe

Leave a Reply

Recently