Archive for June, 2008

 

kama sutra

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

1
gumuguhit sa isipan
ang bunga nitong mga panagimpan -
gaya nang mga nakaraan, buo:
siya itong pumupuno,
ang tugma sa palad,
ang kasukat nitong puso.

2
walang dapat ipagmadali
walang
dapat
magmadali

3
ngunit ginising ka ng alarm clock.
ang malambing mong unan, muli’y umiiyak.

 

07 April 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Mariveles

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

Hinilo-hilo
     hinele-hele
ng bus itong ulo,
     habang pasipol-sipol
ang drayber
     sa pagmamaneho.
At sa kurbada’y
     biglang nagpreno;
Naghalo-halo
     naglabo-labo
ang ingay ng pasahero.
     Nag-antanda ang katabi ko.
Buhay pa ba tayo?

17 April 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Pagninilay

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

Hindi Ka nagpinid ng pinto kailanman
Alam Mong kakatok ako anomang oras
Lalo’t ganitong sinusubok Mo ang katatagan
Lalo’t ganitong sinusukat Mo ang kahinaan.

Hindi naman Kita nalilimot, malilimot kaya
Tulad nang walang sawa Mong pagdinig, pagkupkop;

Lagi’y sinasala Mo itong mga sala-
At lulubusin ako sa pagkakapuspos
Sa biyaya mong bumabalot, tumatagos
Sa kaluluwang Ikaw ang tumubos.

22 Mayo 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Pahayag

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

pagkat walang oras
itong paglipol.

maaari Niyang lagumin,
likumin ang lahat ngayon
sa Kanyang mga kamay
at simulan itong pagsususlit
sa iyong pag-iral:
gaya nang pagsusubi
ng buto,
ng bato
itong pagbubukod.

minsan na Siyang nagbabala
sa mga hiwa sa langit
at sa mga bitak sa lupa
ngunit hindi ka natinag.
kagabi’y hindi mo narinig
na binugbog Niya ng katok
ang iyong pinto
sana’y naalimpungatan ka
sana’y bumangon
o kunwa’y nabulabog.

pagkat anomang oras
maaaring mabago ang lahat
sa mahika ng Kanyang salita;
at sa isang iglap
maaari Niyang ikumpas sa hangin
ang Kaniyang kamay:

ito ang wakas,
ngayon ang simula.


10 Abril, 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Paninimbang

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

(ilang minuto pagkatapos nating mag-usap)


nang sinabi mong hindi mo ako iiwan
alam kong gusto mo nang magpaalam
ganyan ka magmahal: lumalaslas sa pulso
ang mga kataga, tumataga sa ugat nitong pagsuyo.

kailan kaya kita hindi paniniwalaan?
kapag ubos na itong dugong
tumutustos sa kahibangan?

 
23 Mayo 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Sandstorm

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

gusto kong madurog ngayon
at mapitpit nang pinung-pino.
bistaying mahusay ng hangin at init
sa mga dibdbib ng disyerto.
at kapag lubos na ang pagkadalisay
agad ilakip ako sa mga sumpong na ihip:
pupuwingin ko ang bawat matang
nagtaksil ang titig.

 
25 Abril 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Bisita

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

Hindi ka naniniwala sa kaniya
na hindi niya sinasadya ang pagdating.
May magnanakaw bang nagbabala
bago ka salakayin?

Kilala mo ang bulto ng aninong
dumaan sa bintana.
Pinindot mo ang switch
ng lamp shade. Klik!
At naramdaman mong kumakagat,
tumatalab na naman ang embalsamo
sa iyong katawan.

Bakit ba kapag may ganitong gabi
walang gustong makiramay sa iyong kalansay?

22 Pebrero 2007
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Limay Haiku

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

1. Landing

Ang litong eroplano
Walang piloto.
Saan kaya nag-landing?

2. Tabyo

Tangay-tangay ng agos
Ang butas na shorts.
Pag-uwi, tiyak, bugbog.

3. Villa Leonor

Lumangoy. ‘Wag lulutang
Maraming dikya!
Ang maniwala, taya!

4. Depensa

Ang ilog sa tag-araw
Hindi aapaw.
Baybayin mo ang Wawa.

5. Penitensya

Mga dugo’y umagas
sa Barrio Roxas -
Ay! May sala ang lahat.

17 Abril 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Isang basong senti ang mango shake

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

lalo’t malamig at tama ang timpla
ng asim-tamis na dumadausdos
sa nanabang na dila.
Yayakap sa lalamunan
itong pagsesentimental ng oras,
humihigpit ang pagsakal:
Sino na kayang katabi niya
sa pandalawahang mesa
na umiinom ng mango shake
kapag Sabado sa Glorietta?
Inabot sa iyo ang iyong order.
This is your mango shake, Sir.
Bigla kang nainis sa waiter.

 
19 Setyembre 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Pagsalubong

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

Namamalas ang pag-asang sumisikat
sa mga pulo nitong Silangan
at natutupad ang iwinika:

gumagapang sa lupa
gumuguhit sa panginorin
humahangos kasama ng hangin

ang lahat ng itinakda.
Inihahanda itong huling bahaging
may pangakong walang hanggang biyaya.

17 Hunyo 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia