Archive for June, 2008

 

Pieta

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Hindi madipa ang lawak
ni masapo ng isip
itong dalamhati;
hindi mabuhat ng Ina
ang bigat ng krus
sa dibdib - 
itong lubus-lubos
labis-labis na hapdi.

13 April 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Kapag may nahuhulog na anghel

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Alam mong may mahuhulog na anghel
Kapag patay ang mga bituin

Kaya’t mag-aaabang ka
Sa kanyang pagbulusok mula sa itaas.

Ihahanda mo ang mga bisig
Sa kanyang pagbagsak -

Maingat na maingat.
Hindi dapat magkasugat ang katawan

O mabali kaya ang pagod
Na pagod niyang mga pakpak.

Kapag may nahuhulog na anghel
Walang nagluluksa sa langit at lupa

At ikaw lang ang mag-isang naghihintay
Na magtutuyo sa kanyang luha.

29 October 2006
Al-Khobar, Saudi Arabia

Bisita tayong hindi inaasahan

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Alam nating kailanman
hindi sila umasang
tayong dalawa ang darating.
Tayong dalawa –
ikaw na kasama ako,
ako na kasama ka.

Kung paanong nagkakaila ang bibig,
nasa sulok ng kanilang mga mata
ang nangingilid na tanong
na hindi mailaglag-laglag
sa napipi ring sahig.
Bakit hindi namin kayo kilala?

27 Abril 2008
Al-Khobar, Saudi Arabia

Bilog

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Umiikot ang mga bagay
Kasabay ng mundo, nahihilo.
Umiikot pabilog sa loob ng bilog
Ang lahat nitong nasa loob at sulok –
Nagkakahugis, nagkakakulay,
Pumipintig, nagkakabuhay.
Sumasabay sa agos
Iikot-ikot hanggang sumuko
Sa lula at pagod.
Tapos liligid naman ang mga uod
Nakangising susugod
Dahil tiya’y tiyak bubundat,
Bibilog sa pagkabusog.

16 Mayo 2007
Al-Khobar, Saudi Arabia

Layag

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Sa aral na nilasing sa kabanalan
Kamatayan ang kabayaran ng kasalanan.

Sunugin ang sarili sa mga hindi nasulat na kaliwanagan.
At saka mamamalas: Hindi pala abo sa abo ang kapalaran
Ng mga kaluluwang hindi binigyan ng katawan.

23 Oktubre 2007
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Ilang Dalit sa Salita

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Kung diringgin ang Salita
Wala nang matang luluha
Makinig at maniwala
H’wag kukurap, mamamangha:

Ang tubig magiging alak
Sa tubig makalalakad
Ang bulag makadidilat
Maging patay magmumulat.

Kung susundin ang Salita
Ang sarili ay ihanda
Kung hamakin man ng kapwa
Ay h’wag nawang manghinawa;

Pagkat ang sabi: Magtiis!
H’wag sumuko kung may hapis
Langit laging nakatitig
Sasaklolo ang pag-ibig

May pangako ang Salita
Sa ibinukod na bansa –
Payapang buhay sa lupa
Na tigib ng pagpapala.

23 Oktubre 2007
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Pamamaalam

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Bumibilis ang tibok ng pag-aalala
Ngayong nagsasalikop itong mga agam-agam.

Ilan sa sampung pangako ba ang bumabalik
Pagkatapos na mamaalam?

Nakaiinip maghintay matupad isa man lang,
Nakaiinis maghintay sa walang katuparan.

04 Hunyo 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Walang kulang

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Hindi nagkukulang itong Langit:
Kaya namamalisbis
pagkat labis-labis itong tubig, umaapaw
sa kaloob na kalis
tumutulay sa kamay
ang dala-dalang tamis
tuluy-tuloy ang daloy sa bisig

at saka hihimlay sa dibdib ang Pag-ibig.

30 Mayo 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Itim

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Hindi ka nila nakitang umiyak, Fatima.
Di tulad ng bata mong kalong
na pumalahaw nang lumisan ang kanyang ama.
Hindi nila nakita ang iyong pagtutol.
Walang pagsuway sa iyong labi
o pagkasuklam sa iyong mata.
Dahil ikinintal sa noo na ang aral ay dalisay
at kasakdalan itong pagsunod.

Ngunit kailan nila malalaman
na ikaw rin ay humihinga, Fatima;
nasasaktan kapag tumatagos sa puso ang sakit
at ang hapdi ng pagkabigo’y
nag-iiwan ng sanlibong bangungot
sa madaling araw at pagmumulto
kahit sa katanghalian;
at ang telang tumatabing sa iyong mukha
ay kublihan nitong di maihingang samo’t awa.

Sa kanilang kalagitnaan makailang ulit ka na bang namatay
ngunit hindi kailanman naramadamang nabuhay.

17 Setyembre 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Maraming gabi na rin akong nagkakapeng mag-isa

Jun 24, 2008 by rowan in Verses

Hindi sumagi sa isip
na ako na ang maghahanda
ng  sarili kong kape
kapag ganitong ginagabi
sa pananaludtod
at pilit hinahatak sa ulap
ang mga gasgas
na imahen ng lungkot.

Nakahiligan kasi nitong panlasa
ang iyong masarap na timpla
na humahalo sa mga salitang ibinukod.
Sumisiping sa labi itong mutya 
kapag hinihigop na sa tasa ang mga kataga -
Init. Pait.
Pait. Tamis.
Tamis. Init.
Gumagapang ang lagnat
sa dila,
sa dugo,
sa titik
tumutugma.

Maraming gabi na rin akong
nagkakapeng mag-isa
ngunit di pa rin makuha ang tamang timpla-
Init. Pait. Tamis.
Hindi mahuli ng dila ang lasa -
Lumiligid, umiikot, tumitining lang sa tasa
kahit anong halo ng kutsarita.

05 Hunyo 2006
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia