Archive for July, 2008

 

Alaala

Jul 22, 2008 by rowan in Verses

Kung hindi ka maniniwala mananatiling walang mukha
ang katabi mo sa mga susunod pang gabi.

Hindi ko ito sinasabi dahil ilang ulit na kitang nahuli
na pinagmamasdan ako habang natutulog.

Gusto ko lang maubos na ang iyong pagtataka
at mapalitan ng hilik ang iyong pangangamba.

Kapag inakala mong naidlip na ako, gising pa rin ang diwa.
Nararamdaman ko kung paano mo padaanin ng iyong

malambot na daliri ang dapat na kinalalagyan ng aking mga mata,
ang tulay papuntang ilong, pababa sa labi, padampi sa magkabilang pisingi.

Kailan ka ba huling nagmulat habang ako’y tinititigan?
Sana’y nakita mong hindi na siya ang katabi mo sa marami na ring gabing nagdaan.

22 Hulyo 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Kwentong taksil over coffee

Jul 22, 2008 by rowan in I Blog You

“Mocha Frappe Grande! Tall Brewed Coffee!” sigaw ng barista.

“Kunin mo na yun ako nanglibre!”

“Eh ano kung ikaw?”

“Ang hirap nitong kasama talaga!” akmang mambabatok.

“So what about? Parang gumagabi na kaya!” pagkalapag na pagkalapag ng  kape.

Kapag ganyan na ang tono , alam niyang naiirita na siya dahil ayaw niya kaagad na magsimula.

“Eh, eto na nga.”

Sumipsip muna ng kape.

“Hindi tayo maglalasing kaya bilisan mo. At pangalawa, mahal ang kape sa Starbucks sana sa bahay na lang pala tayo nagkanaw ng Nescafe dahil di ka pa nakapaguumpisa, paubos na yan! Mamapak ka pa in between.”

“Parang treat ko to, di ba?”

“Ay oo nga no. Order ka pa nga para mas matagal, mas masaya? Try mo baka may diningding frappe sila diyan yaman din lamang mahilig ang lahi nyo sa gulay.”

“Alam mo, sa lahat ng matatawag na kaibigan ikaw ang napaka-impatient. Gusto laging mabilis. Parang simeco. Si-me-co. Gusto laging sumagot kagad. Pwede po bang bumuwelo? I mean, di ba kahit naman sa mga newscast eh may music intro, kahit pati libro?”

“Ano gusto mo magpaka-ER na naman. Wala kaya tayo sa office. Saka pucha naman, hindi naman ako na-eexcite eh. Mike Enriquez ikaw ba yan? Dahil sa malamang sa hindi, dating storyline yan iba lang mga characters, naiba lang ang location baka ngayon medyo napunta na kayo sa Fuego (at di mo alam kung saan yun) tapos yung twist eh mas na-twist pa. Yung baling-bali na special orthopedic case na talaga. Tapos may background kayong music ng Emergency ni Arnold Clavio.”

“Epal!”

“Because you’re so highschool to talk about love at your age! Kala ko kasi na-overcome mo na yan kasi matanda ka na. Kala ko wala ka nang feelings.” Sabay tawa.

“Mukhang teenager naman ako ah! Saka I still deserve to love and to be loved.”

“Slumbook? Kawawa namang high school ito, bata pa eh nakasungaw na ang  alopecia!” tapos ngingisi-ngisi.

Sumama ang titig.”Walang personalan, nasa genes kaya yan!”

“Ang alin? Ang mukha o ang buhok?” Tawanan.

“Hosia, kwento na! Pag ito parang Ora Engkantada, patay ka sa akin!”

“Oo na!”

“Fire!”

“Hindi nga ba nung nagbakasyon ako nung May…”

Sumabat…”Hindi ko alam!”

“Eto na nga at nagkukwento na eh!”

“Ah yun na ba yun? Kala ko intro ng newscast. Okey carry on! Sorry po!”

“Nung nagbakasyon ako may nakilala ako sa Pinas.”

“Okey… mukhang plagiarized story ah…”

“Let me continue kaya? Gusto mo ikaw na lang magkwento? Istorya ko kaya ito.”

“Bakit ako magpatuloy? Mind reader ba ako? Malay ko sa buhay na binubuhay mo.”

“Umeepal ka kasi eh.”

“Sige na sige na. Taas ng high blood!”

“Gago!”

“Sige na!”

“Ayun nga. I met this girl sa mall.”

“Pokpok ka talaga!”

“Ayan ka na naman eh.”

“Sige na di ka na mabiro.”

“Maganda siya. At first I thought kilala ko kasi we stared at each other  na matagal.Alam mo yung tipong kinikilala nyo ang isa’t isa. But then  hindi ko pala talaga kilala. We just smiled.”

” Ah parang scene sa movie na biglang nag slow motion ang galaw. Ganun ba? Teka saang mall ba yang shooting nyo?”

“Sa Robinson’s Galleria yung sa may EDSA, yung sa may likod nung EDSA shrine.”

“Gago ka ba alam ko naman yun. I-Google Earth ba ako. Palibhasa walang ganyan sa norte kaya galleria pa lang masyado ka nang na-eexcite at kinakabisa mo  na. Kung di ko pa alam baka napagkamalan mong stalagmite ang shrine. Paano pa kaya kung napadpad ka sa Mall of Asia baka sa lahat ng sulok, sa lahat ng stall may picture ka.”

“Ang sama mo.”

“Joke lang. Sige na kwento na.”

“I thought kilala ko sya. Pero yun nga hindi. So ikot uli ako kasi naghahanap ako ng damit kasi tumawag yung friends ko from Singapore na pupunta raw kami sa Davao kaya nagpabook na rin ako papunta roon. So ikot ako. Hanap-hanap. Ganun. Tapos nagkasalubong na naman kami. Nagkatawanan kami. Sabi ko, o ikaw na naman. Sumagot naman siya, oo nga eh. Pagkatapos nun nagkahiwalay na uli kami at kumain muna ko. So ayun pagkatapos kong kumain dumiretso uli ako sa paghahanap. Alam mo nagkita na naman kami uli!”

“Sobrang pinagtatagpo ah. Sinong direktor nyo si Binibining Joyce Bernal ba?”

“Epal ka talaga. Eto na. So nagkatawanan na uli kami. Kasi nga pangatlong beses na to.So kinausap ko na sya. I asked for her name. At hindi ko na sasabihin sa yo.”

“Syet, confidentiality is the best policy!”

“I mean at least I have kept her name secret. Hehehe!”

“So saan naman kayo nagpunta wala yatang malapit na Sogo run?

“Bastos mo talaga. So punta kami ng Starbucks para naman makapagusap kami. I learned that she’s married and she’s just killing time because she has to fetch her kids. Nakatira sya sa may Corinthian. She seemed intelligent. Graduate nga pala sya from Ateneo and her husband is a seaman. Tapos nag-sine pa kami.”

“Ayun na!”

“Anong ayun na?”

“Ayun na. Gumaganda na ang Tiktik. Hehehe!”

“Gago. So after nung movie nagpaalam na sya kasi nga susunduin nya mga anak  nya. I asked for her number at binigay naman nya.”

“Asus. Very Embassy! Very Absynth!  Hehehe!”

“Ano yun?”

“Ah wala yun. Wala yun sa Google Earth.”

“Sobrang saya ko lang nung kasama ko sya. I mean I just don’t know how to explain it but deep within me I know I like her sooo much. We started texting that night. It was surprising na we’re having the same feelings. Kaya we decided to see each other the following day. Nagkita kami sa ChowKing sa Park Square sa may likod ng Megamall.”

“Stop! Stop!”

“Bakit?”

“Ako wag mo kong nililito. Kailan pa naging Makati ang likod ng Mega? St. Francis Square yata yun. Tanga!”

“Ay oo nga ano. Ang galing mo talaga!”

“Hindi ako magaling. Tanga ka lang.”

“Eto naman parang hindi manager ang kausap.”

“Hindi mo ko subordinate. Forget that respect!”

“Oo na!”

“Sige kwento na gabi na kaya.”

“So nagkita uli kami.Tapos sinamahan nya pa akong bumili sa Speedo at sya pa ang pumili ng color for me. Sabi ko nga sa kanya kung nakilala ko sya nang mas maaga siya ang isasama ko sa Davao. Natawa lang sya. But I told her I’m serious.”

“Libog lang!”

“Ano ka ba para kang tanga. Walang sex na nangyari kaya.”

“Ay, tanga nga.”

Tapos tawa nang malakas.

“Hindi nga. I swear. Hindi kami umabot sa ganoon kahit may pagkakataon. That’s respect, bro. I love her.”

“Respect pwede. Love? Tama ba yun?Ang bilis mo naman yatang magdecide. Parang nagmoney transfer ka lang sa Western Union?”

“Ano ka ba, pinagdedesisyunan ba yun? Di ba nararamdaman yun?”

“Uy, nagpapaka-profound hindi bagay.”

“Ikaw kasi lahat sa ‘yo biro. Ay mali pala hindi ko na alam kung ano ang totoo o biro sa yo sa mga binibitawan mo.”

“Naku po. Eh ikaw naman kasi, mga kwento mo kung hindi hilaw, kumplikado, kung hindi magulo sobrang pantaserye.”

“Hindi nga in love na talaga ako sa kanya. Alam mo bang nung nasa Pearl Farm ako hindi ko rin na-enjoy eh. Sana kasama ko sya.”

“A, ang tawag yata roon ay aqua sex?”

“Umayos ka nga!”

“Hahaha!”

“Alam mo ba nung umuwi ako from Davao, she waited for me sa airport. Hinintay nya talaga ako.”

“Talaga naman po. Kawawa naman ang mga bata walang sundo sa school kasi ang nanay may kasamang ibang tatay!”

“Gabi ako dumating ok. Kaya nasundo nya pa rin yung mga bata. Saka ano ba, hindi ka ba masaya para sa akin?”

“Reality check, sir! Gising-gising sa tulog na mahimbing!”

“I just did. Kung kabaliwan ba to, katangahan, libog but I’m dead serious, bro. Nakupido nya ako kaya tuloy ikaw ang binubulabog ko.”

“Itulog mo lang yan. Hehehe! Bibigyan kita nang ilang linggo lang dyan at mawawala na rin yan. Saka nandito ka na. Pareho na kayong malayong asawa niya. Hahaha!”

“Hindi talaga. Simula nang magkahiwalay kami, nabago na ang buhay ko. Kanina nga nagtext sya kasi malapit na ang monthsary namin.”

“Siyet! Pang JS prom!”

“Alam kong marami pa akong dapat malaman sa kanya at ganun din sa akin. But we have talked almost everything under the sun - personal niyang buhay, mga anak nya, asawa, biyenan, problema sa pamilya lahat-lahat!”

“Alam ba niya na yung huling na-link sa yo namatay?”

“Gago ka talaga! Seryoso ako. Wala ka man lang bang maayos na payo diyan. Ano gagawin ko?”

“Una, masaya yan kasi nga may asawa di ba. Parang uy, ang galing. Nakakatigas ng etits. Pero imagine this na bigla na lang may kakalabog sa likod mo at hihilahin ang leeg mo pagdating mo sa NAIA. Hindi ka makagalaw ng maayos dahil ayaw mong malukot masyado ang Lacoste mong polo. Ayun pala nalaman ng asawa nya ang mga kalandian nyo at inabangan ka nya sa airport. Ay nagkataong dumaong ang barko nila sa Manila Bay ng araw na yun. Yung sobrang coincidence. Paano na lang ang pangarap mo sa bayan mo gusto mo pa namang maging councilor, di ba? Gusto mo ngang mag-paliga ng linggo-linggo, mag-padance contest every MWF at amateur singing contest every TThS. Mas maraming makikinabang kung mabubuhay ka. Kasi paano na lang kung bigla kang hamunin nang languyan noong seaman o kaya patagalan sa tubig? Ang unang lulutang, syempre patay. Malamang patay este talo ka na.  Unless mapatutunayan mo sa lahat na talagang kayo ni *toot* ang para sa isa’t-isa sige,  humayo at magpakarami, magpakahibang, gawin ang lahat ng position, magpaputok nang ilang ulit sa puting bed sheet. Pero kuya, hindi eh. Nakakalibog lang pero mali.”

Biglang tumunog ang cp…Way back into love… sabi nina Drew Barrymore at Hugh Grant.

“O ayan nagtext na naman sya. Miss na nya raw ako. Mwah! Mwah! Mwah!”

“Pucha, mwah! mwah! mwah! Tapos di ko pa kinaya ang ringtone mo. Pwede bang request?

“Ano yun?”

“Palitan mo ang ringtone. Di bagay sa edad nyo.”

“Eh ano? Epal ka na naman”

“Pwedeng ‘Bakit’ ni Imelda Papin?”

“Hayop ka talaga!”

“Hahaha!”

“O ano na tara na, uuwi na ko. Pag ako di nakapasok bukas, sa yo ko kukunin ang sahod ko.”

“Alam mo daot lang nakuha ko sa yo eh.”

“Tanga, panggising lang yan sa pagtataksil nyo.”

“May request pala ako sa yo. Sige na please?”

“Ano naman yun? Sige request na but don’t pass the phone, please.”

“Baliw! Write me a poem. Please? Kahit maigsi lang. Bibigay ko sa kanya. Nasabi ko na kasi sa kanya yun eh.”

“Pasaway ka. Ikaw gumawa ng tula mo!”

“Akala ko pa naman kaibigan kita!”

“Leche ka talaga. Di ako marunong tumula. ”

“Sige na.”

“Isang venti muna!”

“Kapal din ah!”

“Marunong kang tumula?”

“Ilang venti ba?”

Isang Dalit

Jul 18, 2008 by rowan in Verses

Titigil ba sa pagtangis
Inang nahubdan ng damit
Mga anak nakatitig
Di siya mabigyang bihis.

- Karangalang Banggit sa Dalitext Poetry Contest noong Agosto 2003.

Tatlong Haiku

Jul 14, 2008 by rowan in Verses

Bulaklak

Nang namukadkad
Kaagad na pinitas.
Wala nang buhay.


Backwaters 
  

Hindi sinagip.
Hinayaang malunod
Ang dalang lungkot.

Lipad


At pagkalipad
Nalula sa itaas
Nais lumapag.

07 Hulyo 2008
Kochi, India

 

Rajkot

Jul 14, 2008 by rowan in Verses

Kapos yata sa dalawang dipa
ang kipot nitong kalsada
ngunit sanay na sanay
ang mga balakang ng sasakyan sa pag-giling;
at ang drayber pasilip-silip
pinipilit makagitgit
at kung makatiyempo’y saka sasagitsit,
sisingit-singit kahit sa kurbada
na parang eroplano ng Jet Airways sa bilis
at biglang tatapak sa preno:
paraanin ang mag-anak na bakang tatawid.

Ngunit kahit anong tulin
ng gulong ng gulong,
parang hindi nauubos ang daan pauwi.
Alas-siyete na ng gabi
ngunit ayaw pang mamahinga ng araw
kahel na kahel pa rin sa langit.
Huwag kang magmadali.
Huwag kang magmadali.

07 Hulyo 2008
Kochi, India

 

Kaming naghihintay sa iyo

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

lilinlangin namin ang sarili
papayapain ang guni-guni,
pakakalmahin ang pusong
kanina pa lumulundag sa kaba.
pilit naming iwawaksi sa isip
ang mga bumabalot na takot
na maaaring pumigil sa iyong mga paa
na marating ang tarangkahang
nananabik na ring masilayan
ang muli mong pagbabalik.
pupunuin namin ng pag-asa
ang bawat ingit ng inip at pangamba
dahil hindi maglalapat ang likod
sa higaang buong puso tayong pinagkakasya,
dahil wala ngang mahimbing na tulog
hanggang wala ka.

At Seattle’s Best

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

After the last shot
of espresso
you grasped her hands,
traced eagerly the very lines
and circles of her palms
where thoughts convened
and meditated all the concealed
thoughts about you and her.
Then her vibes read:
Never hope for second chance.

13 May 2005
Makati City

Sa Kalye Benavidez

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

inaakala mong napipipi na ang mundo
tuwinang lumalatag ang dilim.
ngunit lumalamat ang bawat hagupit
ng walang katiyakan
sa bawat sulok nitong kalsada,
sa mga minarmolang dingding
ng matatayog na palapag
tuluy-tuloy sa looban
ng mga pinaka-gwardiyadong mansyong
nagsulputan dito sa konkretong gubat.

itinatanong mo tuloy
saan naglalagos o nagtitipon kaya
ang lahat-lahat ng pangamba
bago sumuko ang buwan sa araw,
bago magsinop ang mga bituin ng kinang?
dahil sa muling paglabas ng mga kaluluwa
sa malalamig na silid
haharap silang tila walang galos,
walang bakas ng latay sa balat
kunwa’y walang naramdamang sakit.

18 Setyembre 2005
Makati City

Hatid

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

Flight 501

 

Kunwari’y hindi natin
iisiping ilang milya’t pampang
ang mamamagitan sa atin
mayamaya lamang
na muling magbabago
sa nakasanayan nating mga umaga.
Kunwari’y hindi maghihiwalay
ang mga kamay
sa mahigpit nitong paglalapat
at iikot pang muli
ang mga kulay na bumubuklod sa atin.
Ngunit ngayon ay inaabangan
na tayo ng oras.
Naririto at nakatayo
sa nalalabing saglit
ng pagsasama.
Hinihimay natin
ang bawat salitang
hindi man kayang
ibigkas ng bibig
ngunit hindi maikubli ng mga mata.
Niyayakap tayo
at niyayakap natin
ang mga pangakong
maghahatid sa atin sa isa’t-isa
sa tamang panahon.
Babalik ka.
Sabi mo, babalik ka.

17  Disyembre 2005
Makati City

This no ordinary afternoon

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

As I watch you sip
that creamy frizz of memories

I swirl. Swirl
along with your thoughts

down touching the bottom of the cup
like sediments of brewed coffee beans

blending with the aroma of black
breaking the coldness of ice;

Your thoughtfulness engulfs me
as I breath

in between spaces
of your glances

as your eyes trace the sweetness
of this hot chocolate wetting my lips.

Leaves are falling and we’re not dreaming
this no ordinary afternoon.

16 October 2005
The Coffeebean & Tea Leaf
Gateway Mall, Cubao, Quezon City