Archive for August, 2008

 

So elementary!

Aug 26, 2008 by rowan in I Blog You

Dahil masyadong masinop si Nanay, natago niya pa rin ang mga report cards namin.

Tulad nito noong Grade Two ako:

Natatawa pa rin ako sa grades ko noong 4th grading. Masyado yata akong mabait kay Ma’am Camacho.

Pero minsan, pressure ang ganito. You have to maintain your grades hanggang college, kung hindi, hahampasin ka ng palo-palo ni Nanay, o kaya yung hawakan ng walis tambo patatamain sa bukong-bukong mo, o kaya walang oras ang pagsermon, matutulog na lang pinapagalitan ka pa. Hindi ka naman pwedeng sumagot kasi bata ka pa. Hahaha!

Peace, ’Nay!  Siguro naman hindi kita nabigo. Belated Happy Birthday!

luwas

Aug 25, 2008 by rowan in Verses

hindi mo na naman nagawang lumingon
kahit alam mong matatagalan
ang iyong pag-uwi
kung hindi ngayong linggo,
sa isang buwan pa, sa isang taon
kung kailan ka kulitin ng sumpong.
paisa-isa ang araw na tumatalon
tapos magtataka ka kung mag-usisa
ang bukang-liwayway
kung saan ka huling humapon.

25 Agosto 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Wala munang bukas

Aug 24, 2008 by rowan in Verses

And though the world would
Never understand
This unlikely union
And why it still stands
Someday we will be set free
Pray and believe
–You’ll be safe here, Rivermaya

Halughugin natin ang isa’t-isa
sa bawat saglit na magkasama,
timbang-timbangin ang lahat–
ang sakit na itinatarak ng tawa,
ang layo ng pagkakalayo,
ang lapit ng pagkakalapit,
ang init ng paglalapat ng mga palad.
Wala munang pangako
hanggang may taling di napapatid,
wala munang pangarap
na hahabiin sa ilalim ng langit;
dahil gaya ng dati
alam nating wala pang bukas
na pinto para sa atin.
Dahil ngayon, wala munang bukas
at ang lahat ng para bukas
ay para lamang muna sa atin,
sa ninakaw nating ngayon.

para kina M at D

20 Abril 2005
Makati City
 

Some shambled shits

Aug 22, 2008 by rowan in I Blog You

Sound of silence

Dead air.

I hate this silent interlude.

I should have been ranting even dissonant discourses before I could be totally fed up with moments of musings of missing.

Arrgh! 

***

Youtube-ing

As I’ve always been fascinated with choral music, Youtube-ing will not be complete without watching these videos:

1.University of the Philippines Singing Ambassadors and their rendition of   Ama Namin (Calalang).  Sooooo beautiful! Love it!

2.Of course The Madz will always be an all-time favorite. Doubling its feat at the European Grand Prix, who will never get mad? You will love their touching interpretation of What A Wonderful World. Haay…

3.Imusicapella gone a long way. Tristan Ignacio’s group has always displayed character and discipline in their performances. Hope to catch their live performance.

4.I remember singing the solo part of Dakilang Katapatan way back in college. (Hahaha! I must sing or I’d lose my choir scholarship grant which was way better than to maintain a ‘decent’ grade for the college scholarship. Hahaha!) I found this inspiring version of Manila Chamber Singers. I should have kept our own recording. ( Better? No. I got no proof. Hahaha! )

5.Prime Note Ensemble of Saudi Arabia is the 1st Filipino a capella choir in Saudi Arabia. They clinched a silver medal in Graz, Austria’s hosting of the 5th World Choir Games. What a sweet, say calculated, step to glory after the group’s bronze medal finish in Xiamen, China. No new uploads yet of their recent win. Kudos for bringing honor to the Philippines and representing the Kingdom.

***

Joke choke

Office Gags (O-gags!)

Lagi ko itong sinasabi, para kaming nasa gag show sa office. I mean, at least, sa ibang mga ka-opisina na hindi kulang sa joke.

Alam ko namimiss ito ni Gilbert. Kaya bilisan mong magbakasyon at tapusin na ang pagdedeliver ng bangus belly. Nakapapagod din kayang mag-monitor ng mga kalokohan na mag-isa. Halimbawa:

1. Magbilang ng ‘Yes, Sir!’’.

2. Maghanap sa mga abusado sa plural form tulad ng That’s problems!

3. Bilugan ang mga apostrophe na biglang sumusulpot sa bulletin board, sa mga office documents at iba pang official correspondence.

4. Palihim na tanggapin ang pagkalito sa paggamit ng your at you’re sa kabila ng patuloy na pamumuna. Parang Your welcome ganun. Insistent eh, sige hayaan na lang.

5. Abangan ang mga bagong bigkas na salita tulad ng mining (manning) at vahicle (vehicle). Mga sensyales yan ng pag-angat ng antas sa lipunan na dapat nag-e-evolve ang pronunciation, di ba Edong? Parang Octover (October), Setember (September) at Fev (Feb).

No anagram

Alam kong hindi ako kopya sa email ni Nino when he asked our manager about something. Pero baliw si Edong because he forwarded to me the email where Nino put UEA instead of UAE. Hahaha! Yan nililito nyo si Nino eh.

Then Edong asked, malapit ba ang UEA sa UAE?

Eto ang mga pagkakataong hindi ko pinalalampas kaya. Kaya sagot. Parang ganito: (extended version)

Ang UEA kasi ay dating bahagi ng UAE. Nag-aklas ang una dahil gusto nitong magsarili – magkaroon ng sariling pamahalaan ganun. (Wag nang autonomy ang gamitin baka masyadong mabulabog si thesaurus sa kaka-right click). Ngunit mararamdaman pa rin ang pagkakaiba sa dalawang ito. Halimbawa kung ang pangalan mo ay Juan Macapagal Estrada kapag nasa sa UAE, pag nagpunta ka sa UEA magiging Juan Estrada Macapagal. Ganun. Nyahaha!

 
Color Wheel

Friend Nino just got his driving license! Yahoo!

But no Yahoo!

Nalilito pa rin kasi siya sa right at left sabi ni Edong. Paano pa nga naman kung sa traffic lights. Aba tatlong kulay kaya yun.

Parang gusto ko syang i-test sa color wheel? Napag-aralan ko dati yun sa MAPE. Nyahahaha!

Paano yan Nino, di ka raw pakakasalan ni Florence kapag di mo nasaulo ang color wheel. Patay.

Pero what is Accounting muna raw? Hahaha!

 
Questions from the Central Jury

Naaalala ko si Ms. Nini kapag may mga baliw na tanong. Kalimitan kasi naming itanatanong ito sa mga agents during the HR orientation. Bawal kasi ang kulang sa joke sa amin, tatanggalan ng incentives. Hehehe! But I could not ask these questions here. I don’t think the Indians, the Saudis or the Nepalese will get the humor.

So here are some of the sample questions.

1.Sa China ba ang mga kwago singit din?

2.Takot ba ang bulag sa multo?

3.Ang isda ba pinupulikat din?

4.May kuba bang pagong?

5.Kapag naihian ba ng palaka ang kapwa palaka, magkaka-kulugo rin?

6.May duling bang tarsier?

7.May magugulatin bang bingi?

Baka may ma-share kayo. Tanong man o sagot. Wala lang.

Baliw.

Bacolod

Aug 21, 2008 by rowan in Uncategorized

Nang mga nakaraang araw lang
para tayong mga monghe sa Balay Kalinungan.
Kapag tumunog ang kampanilya
maglalabasan tayo sa ating mga silid
dahil magsisimula na ang mga ritwal.
Nagmamadali man sa pagbaba sa hagdan
hindi nalilimutan ang magbilang:
oro, plata, mata; oro, plata, mata.
Halos isang linggo rin tayong kumakain ng talinghaga,
umiinom ng kataga at kunwa’y natitiis ang bawat kirot
ng hagupit na iniiwan ng mga inanak na salita.
Kaya naman nang minsan tayong makatakas
sinamantala natin ang oras.
Pinatuloy tayo ng mga haciendero ng Silay sa kanilang mga bahay
at pagkatapos nag-merienda ng guapple pie sa El Ideal.

Maraming pangalan ang kalungkutan

Aug 17, 2008 by rowan in Verses

Nakikita mo sila sa iba’t-ibang hugis
Lumilitaw silang paisa-isa o sabay-sabay
Nagpapasalin-salin sa mga labi, sa mga pisngi
Dumadampi sa mga guhit ng palad sa kamay
Dumadadagan sa dibdib sa yakap na mahigpit.

Nagpaparamdam sila nang walang pasintabi -
Sa madaling-araw, sa tanghali o sa kalaliman ng gabi.
At madalas kung walang pagsidlan lumalabas sila
Sa mga lansangan, nakakasalubong mo sa tawiran
Humahangos kapag green na ang signal.

Sumasakay sila, nakikipagsiksikan sa MRT pa-Ayala
Nasa huling upuan sa bus papuntang Alabang
O taga-abot ng bayad sa jeep na biyaheng Baclaran.
Umuupo sila sa may fountain area sa Glorietta
O kaharap mong humihigop sa Starbucks ng white choco mocha.

Nagsusuot sila ng iba’t-ibang estilo, bago o retro
Nanganganak ng maraming kulay, humahalo
Sa karamihan minsan kusang humihiwalay:
Matingkad na pula, itim, puting-puti, basta sari-sari
Ang tubog ng balat, ng damit, ng buhok, ng labi.

Kinakawayan sila, binabati ng kakilala,
Nakakabunggo, nakakasabay sa daan
Tinatawag sa maraming pangalan ang kalungkutan.
Sa iba’t-ibang araw, sa iba’t-ibang lugar
Kahit pa nananahan sa iisang katawan.

09 Hunyo 2007
Al-Khobar, Saudi Arabia