Starbucks

Wednesday, September 3rd, 2008 @ 8:18 pm | Verses

May mga gabing pinipiling hindi pangalanan
kahit maraming nakatiwangwang na salita sa ating harapan
na naghihintay na pagpilian.

***

Sana nga’y ganoon kadali, sabi mo.
Paano kung magbabalik na pilit ang mga alaala
at wala namang katiyakang kasama ka pa?

Matagal mo nang pinilas sa diksyunaryo ang salitang sakit
at lahat ng kasing-kahulugan nitong pait –
tulad ng pag-alis.

***

Hindi natin binili ang mesang ito
kung hindi’y ang dalawang baso lamang ng kape.
Pero sabi mo hindi naman maniningil ang barista
sa mga ganitong lamay;
kahit lakasan ko pa ang iyak
kahit maghalo at maglaho pa ang luha
sa nakikiramay na espresso.

06 Abril 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia