Sikil

Monday, February 23rd, 2009 @ 12:26 pm | Verses

Dahil kahit anong gusto mong pag-ipon,
matipon lamang sa silid na ito

ang mga kinipkip na init,
magsasatinig pa rin ng sabik

ang lumulundo mong katre
lalo’t sa mga oras ng pagpapakabanal;

ang ingit ng dasal na nananabik, nagmamakaawang
marinig kahit ng kalapit-silid

pilit na hahanap ng siwang sa bintana
o ng uwang sa pintong nakaligtaang sarhan.

Kung kaya mo lamang hawakan ang apoy,
kung sana ay nahihipo mo ang gabi,

napaaamo sa bawat nasa o nais,
tiyak ikukulong ito sa palad kahit sandali -

nang sa pag-igtad ng layon, makalulundag
ang layaw na makailan nang itinanggi
kung hindi man minsan nang kinitil ng malay.

23 Pebrero 2009
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

 

4 Responses to “Sikil”

  1. jun Says:

    Ang bastos ng tula! :D

  2. alvin d campos Says:

    At hanggang maging disyerto ang antartica,
    magunaw man ang mundo, si rowan velonta,
    dala hanggang hukay, habambuhay na makata!

    c alvin ito na minsa’y nakasama mo sa LIRA workshops 2001

  3. oswin Says:

    nice bro.. makata k rin pla.. ndi ko maarok pre. hehhe.. pero astig..

  4. jenny mamaril Says:

    tsk. ang lalim lalim naman eh! :P

Leave a Reply

Recently