Archive for the Verses Category

 

Nang lumabas ako isang umaga

Nov 16, 2009 by rowan in Verses

Ang             lawak             na

           ng            

                                                 mundo 
   
at               hindi               na

        mahagilap        itong           isa’t-

                                                                  isa.

( Hindi tulad dati’y
tayong dalawa
ang lahat-lahat nitong nakikita: ikaw at ako
itong mundo – –
ang ibabaw
ang ilalim
ang nasa pagitan nito;
ang taas,
ang hangganan ng ulap
ay tanging tayo. )

Halos

Sep 27, 2009 by rowan in Verses

Isipin mo, malaya naman nating
masisimulan ang kwento nang ganito:
Walang hadlang.
Walang pangamba.

Ngunit bakit pipiliin nating
magtiklop ng mga pahina
at laktawan ang nakaabang na saya?
At pagkatapos, tatamnan natin
ng sanlibong takot ang maaari nating daanan
na maaaring sumabog nang walang paalam
(marahil upang mapigilan tayong
mapunta sa kung saan?)
Lulunurin natin ang isa’t-isa
sa mga sali’t-saling alamat ng pagkabigo
at sa mga naisulat na elihiya ng pagtataksil at paghihiwalay;
at saka pilit nating tatanggapin ang pait,
at sakit na hindi raw tayo ang tayo sa mga itinakada.

Pagkat

Sep 27, 2009 by rowan in Verses

nadudurog kang hindi inaapakan
hindi tinitilad ngunit nasusugatan
humuhulagpos ang laman sa buto,
naiiwang hungkag ang katawan;
nauupos kahit hindi sinisindihan,
lumilisang hindi man nararamdaman,
nagbabalik sa mga looban
ngunit hindi rin naman matagpuan.

bed scenes

Jun 11, 2009 by rowan in Verses

humahabi ng salimuot
ang magkasiping nating mga palad.

***

ang nakatitig na kisame
ay hindi mapanatag.

***

hindi magawang matiyak ng oras
kung kailan titigil
ang pintig ng pulso.

***

pigil ang hininga:

***

sinong mang-iiwan?

***

walang gustong
lumabas ng kwarto.

Sikil

Feb 23, 2009 by rowan in Verses

Dahil kahit anong gusto mong pag-ipon,
matipon lamang sa silid na ito

ang mga kinipkip na init,
magsasatinig pa rin ng sabik

ang lumulundo mong katre
lalo’t sa mga oras ng pagpapakabanal;

ang ingit ng dasal na nananabik, nagmamakaawang
marinig kahit ng kalapit-silid

pilit na hahanap ng siwang sa bintana
o ng uwang sa pintong nakaligtaang sarhan.

Kung kaya mo lamang hawakan ang apoy,
kung sana ay nahihipo mo ang gabi,

napaaamo sa bawat nasa o nais,
tiyak ikukulong ito sa palad kahit sandali -

nang sa pag-igtad ng layon, makalulundag
ang layaw na makailan nang itinanggi
kung hindi man minsan nang kinitil ng malay.

23 Pebrero 2009
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Salaysay ng sidhi

Feb 23, 2009 by rowan in Verses

Nalasahan mo sa malambot niyang labi
ang pagsalangsang. Mapait.
Kayang pumunit ng bait.
Ngunit tumugon ka lamang
nang mas maalab na halik.

23 Pebrero 2009
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

D. It is written.

Feb 14, 2009 by rowan in Verses

Latika,

Ito ang kapalaran ngayong gabi:
at nasusulat ang kamatayan
tulad nang pagbuhos ng ulan -
ang tubig, ang lamig
ng pangungulila sa pag-ibig;
tatakas tayo upang papaghiwalayin lamang
ng higpit ng pananabik
ngunit muli’y ibabalik nitong tren
sa ating mga bisig.

Pagkat ito ang nasusulat:
Tayo ang kapalaran ngayong gabi
at hindi ang milyong salapi.

Jamal

14 Pebrero 2009
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

(matapos manood ng Slumdog Millionaire)

14

Feb 14, 2009 by rowan in Verses

ngayong pulang-pula ang Dangwa
ano’t nabubuo ang mukha mo
sa mga naggigitgitang rosas sa flower shop?
at bakit nananariwa ang mga sakit
ng tinik sa dibdib na matagal ko nang inilibing
kasama ng iyong pag-alis?

14 Pebrero 2009
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Nang muli tayong magtagpo ngunit wala na akong baong tula

Oct 01, 2008 by rowan in Verses

Nauubos rin pala ang balon ng salita. Ang mga talinghaga’y 
napupudpod kung mag-isa kang naglalakad sa daan

o napapagod kung mag-isa kang lumilipad sa kalawakan ng kawalan.
Kung hindi man unti-unti o dahan-dahan,

sabay-sabay nagluluksa ang mga pangarap
habang nagsasaya ang iyong mga tala.

Kaya nang tanungin mo ako kung saan ko ba itinali,
itinago ang salita, wala nang pulang rosas na lumabas

sa bibig. Tuyot na ang mga bulaklak sa gunita.

 

20 Oktubre 2007
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Starbucks

Sep 03, 2008 by rowan in Verses

May mga gabing pinipiling hindi pangalanan
kahit maraming nakatiwangwang na salita sa ating harapan
na naghihintay na pagpilian.

***

Sana nga’y ganoon kadali, sabi mo.
Paano kung magbabalik na pilit ang mga alaala
at wala namang katiyakang kasama ka pa?

Matagal mo nang pinilas sa diksyunaryo ang salitang sakit
at lahat ng kasing-kahulugan nitong pait –
tulad ng pag-alis.

***

Hindi natin binili ang mesang ito
kung hindi’y ang dalawang baso lamang ng kape.
Pero sabi mo hindi naman maniningil ang barista
sa mga ganitong lamay;
kahit lakasan ko pa ang iyak
kahit maghalo at maglaho pa ang luha
sa nakikiramay na espresso.

06 Abril 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia