Archive for the Verses Category

 

luwas

Aug 25, 2008 by rowan in Verses

hindi mo na naman nagawang lumingon
kahit alam mong matatagalan
ang iyong pag-uwi
kung hindi ngayong linggo,
sa isang buwan pa, sa isang taon
kung kailan ka kulitin ng sumpong.
paisa-isa ang araw na tumatalon
tapos magtataka ka kung mag-usisa
ang bukang-liwayway
kung saan ka huling humapon.

25 Agosto 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Wala munang bukas

Aug 24, 2008 by rowan in Verses

And though the world would
Never understand
This unlikely union
And why it still stands
Someday we will be set free
Pray and believe
–You’ll be safe here, Rivermaya

Halughugin natin ang isa’t-isa
sa bawat saglit na magkasama,
timbang-timbangin ang lahat–
ang sakit na itinatarak ng tawa,
ang layo ng pagkakalayo,
ang lapit ng pagkakalapit,
ang init ng paglalapat ng mga palad.
Wala munang pangako
hanggang may taling di napapatid,
wala munang pangarap
na hahabiin sa ilalim ng langit;
dahil gaya ng dati
alam nating wala pang bukas
na pinto para sa atin.
Dahil ngayon, wala munang bukas
at ang lahat ng para bukas
ay para lamang muna sa atin,
sa ninakaw nating ngayon.

para kina M at D

20 Abril 2005
Makati City
 

Bacolod

Aug 21, 2008 by rowan in Verses

Nang mga nakaraang araw lang
para tayong mga monghe sa Balay Kalinungan.
Kapag tumunog ang kampanilya
maglalabasan tayo sa ating mga silid
dahil magsisimula na ang mga ritwal.
Nagmamadali man sa pagbaba sa hagdan
hindi nalilimutan ang magbilang:
oro, plata, mata; oro, plata, mata.
Halos isang linggo rin tayong kumakain ng talinghaga,
umiinom ng kataga at kunwa’y natitiis ang bawat kirot
ng hagupit na iniiwan ng mga inanak na salita.
Kaya naman nang minsan tayong makatakas
sinamantala natin ang oras.
Pinatuloy tayo ng mga haciendero ng Silay sa kanilang mga bahay
at pagkatapos nag-merienda ng guapple pie sa El Ideal.

Maraming pangalan ang kalungkutan

Aug 17, 2008 by rowan in Verses

Nakikita mo sila sa iba’t-ibang hugis
Lumilitaw silang paisa-isa o sabay-sabay
Nagpapasalin-salin sa mga labi, sa mga pisngi
Dumadampi sa mga guhit ng palad sa kamay
Dumadadagan sa dibdib sa yakap na mahigpit.

Nagpaparamdam sila nang walang pasintabi -
Sa madaling-araw, sa tanghali o sa kalaliman ng gabi.
At madalas kung walang pagsidlan lumalabas sila
Sa mga lansangan, nakakasalubong mo sa tawiran
Humahangos kapag green na ang signal.

Sumasakay sila, nakikipagsiksikan sa MRT pa-Ayala
Nasa huling upuan sa bus papuntang Alabang
O taga-abot ng bayad sa jeep na biyaheng Baclaran.
Umuupo sila sa may fountain area sa Glorietta
O kaharap mong humihigop sa Starbucks ng white choco mocha.

Nagsusuot sila ng iba’t-ibang estilo, bago o retro
Nanganganak ng maraming kulay, humahalo
Sa karamihan minsan kusang humihiwalay:
Matingkad na pula, itim, puting-puti, basta sari-sari
Ang tubog ng balat, ng damit, ng buhok, ng labi.

Kinakawayan sila, binabati ng kakilala,
Nakakabunggo, nakakasabay sa daan
Tinatawag sa maraming pangalan ang kalungkutan.
Sa iba’t-ibang araw, sa iba’t-ibang lugar
Kahit pa nananahan sa iisang katawan.

09 Hunyo 2007
Al-Khobar, Saudi Arabia

Alaala

Jul 22, 2008 by rowan in Verses

Kung hindi ka maniniwala mananatiling walang mukha
ang katabi mo sa mga susunod pang gabi.

Hindi ko ito sinasabi dahil ilang ulit na kitang nahuli
na pinagmamasdan ako habang natutulog.

Gusto ko lang maubos na ang iyong pagtataka
at mapalitan ng hilik ang iyong pangangamba.

Kapag inakala mong naidlip na ako, gising pa rin ang diwa.
Nararamdaman ko kung paano mo padaanin ng iyong

malambot na daliri ang dapat na kinalalagyan ng aking mga mata,
ang tulay papuntang ilong, pababa sa labi, padampi sa magkabilang pisingi.

Kailan ka ba huling nagmulat habang ako’y tinititigan?
Sana’y nakita mong hindi na siya ang katabi mo sa marami na ring gabing nagdaan.

22 Hulyo 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Isang Dalit

Jul 18, 2008 by rowan in Verses

Titigil ba sa pagtangis
Inang nahubdan ng damit
Mga anak nakatitig
Di siya mabigyang bihis.

- Karangalang Banggit sa Dalitext Poetry Contest noong Agosto 2003.

Tatlong Haiku

Jul 14, 2008 by rowan in Verses

Bulaklak

Nang namukadkad
Kaagad na pinitas.
Wala nang buhay.


Backwaters 
  

Hindi sinagip.
Hinayaang malunod
Ang dalang lungkot.

Lipad


At pagkalipad
Nalula sa itaas
Nais lumapag.

07 Hulyo 2008
Kochi, India

 

Rajkot

Jul 14, 2008 by rowan in Verses

Kapos yata sa dalawang dipa
ang kipot nitong kalsada
ngunit sanay na sanay
ang mga balakang ng sasakyan sa pag-giling;
at ang drayber pasilip-silip
pinipilit makagitgit
at kung makatiyempo’y saka sasagitsit,
sisingit-singit kahit sa kurbada
na parang eroplano ng Jet Airways sa bilis
at biglang tatapak sa preno:
paraanin ang mag-anak na bakang tatawid.

Ngunit kahit anong tulin
ng gulong ng gulong,
parang hindi nauubos ang daan pauwi.
Alas-siyete na ng gabi
ngunit ayaw pang mamahinga ng araw
kahel na kahel pa rin sa langit.
Huwag kang magmadali.
Huwag kang magmadali.

07 Hulyo 2008
Kochi, India

 

Kaming naghihintay sa iyo

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

lilinlangin namin ang sarili
papayapain ang guni-guni,
pakakalmahin ang pusong
kanina pa lumulundag sa kaba.
pilit naming iwawaksi sa isip
ang mga bumabalot na takot
na maaaring pumigil sa iyong mga paa
na marating ang tarangkahang
nananabik na ring masilayan
ang muli mong pagbabalik.
pupunuin namin ng pag-asa
ang bawat ingit ng inip at pangamba
dahil hindi maglalapat ang likod
sa higaang buong puso tayong pinagkakasya,
dahil wala ngang mahimbing na tulog
hanggang wala ka.

At Seattle’s Best

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

After the last shot
of espresso
you grasped her hands,
traced eagerly the very lines
and circles of her palms
where thoughts convened
and meditated all the concealed
thoughts about you and her.
Then her vibes read:
Never hope for second chance.

13 May 2005
Makati City