Archive for the Verses Category

 

Sa Kalye Benavidez

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

inaakala mong napipipi na ang mundo
tuwinang lumalatag ang dilim.
ngunit lumalamat ang bawat hagupit
ng walang katiyakan
sa bawat sulok nitong kalsada,
sa mga minarmolang dingding
ng matatayog na palapag
tuluy-tuloy sa looban
ng mga pinaka-gwardiyadong mansyong
nagsulputan dito sa konkretong gubat.

itinatanong mo tuloy
saan naglalagos o nagtitipon kaya
ang lahat-lahat ng pangamba
bago sumuko ang buwan sa araw,
bago magsinop ang mga bituin ng kinang?
dahil sa muling paglabas ng mga kaluluwa
sa malalamig na silid
haharap silang tila walang galos,
walang bakas ng latay sa balat
kunwa’y walang naramdamang sakit.

18 Setyembre 2005
Makati City

Hatid

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

Flight 501

 

Kunwari’y hindi natin
iisiping ilang milya’t pampang
ang mamamagitan sa atin
mayamaya lamang
na muling magbabago
sa nakasanayan nating mga umaga.
Kunwari’y hindi maghihiwalay
ang mga kamay
sa mahigpit nitong paglalapat
at iikot pang muli
ang mga kulay na bumubuklod sa atin.
Ngunit ngayon ay inaabangan
na tayo ng oras.
Naririto at nakatayo
sa nalalabing saglit
ng pagsasama.
Hinihimay natin
ang bawat salitang
hindi man kayang
ibigkas ng bibig
ngunit hindi maikubli ng mga mata.
Niyayakap tayo
at niyayakap natin
ang mga pangakong
maghahatid sa atin sa isa’t-isa
sa tamang panahon.
Babalik ka.
Sabi mo, babalik ka.

17  Disyembre 2005
Makati City

This no ordinary afternoon

Jul 01, 2008 by rowan in Verses

As I watch you sip
that creamy frizz of memories

I swirl. Swirl
along with your thoughts

down touching the bottom of the cup
like sediments of brewed coffee beans

blending with the aroma of black
breaking the coldness of ice;

Your thoughtfulness engulfs me
as I breath

in between spaces
of your glances

as your eyes trace the sweetness
of this hot chocolate wetting my lips.

Leaves are falling and we’re not dreaming
this no ordinary afternoon.

16 October 2005
The Coffeebean & Tea Leaf
Gateway Mall, Cubao, Quezon City

Kay Dyesebel

Jun 30, 2008 by rowan in Verses

Tuwing nagkaka-paa ang pag-ibig
nahahawi ang hapis ng tubig,
umaahon sa lupa
ang sari-kulay na langit,
nawawala ang lungkot
na sumisiksik sa kaliskis,
nasasagot ang mga tanong
na hindi matagpuan sa pagsisid.
Nagtatagpo nga ang dagat at lupa, Dyesebel
kung hindi man madalas, minsan, kahit saglit.

12 Hunyo 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia.

Nang mamaalam kang kasama ng mga bituin

Jun 29, 2008 by rowan in Verses

(pagkatapos nang paglubog ng MV Princess of the Stars)


Kapag nakakita ako ng bulalakaw ngayong gabi,
alam kong pinatawad mo na ako-
kahit hindi tayo magkasamang umuwi,
kahit hindi tayo magkasamang naglakbay,
salungat sa mga pangako kong hindi tayo maghihiwalay.

 

27 Hunyo 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Paghahanap

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

Ngayo’y hinahagod ng ligalig ang Lhamo La-Tso
Hindi sinlinaw ng dati,
Hindi na sinlamig.
Tila natatakot nang magsadya ang mga pangitain
At alumpihit kung isisiwalat ang sagot na kinikipkip.
Kahit may tumatangis,
Kahit nagsasanib ang lungkot
Sa tubig.

Minsan nang nagtipon ang mga ulap
Sa ibabaw ng Lhasa.
Akala’y natagpuan na siya
Ngunit parang walang isinilang na pag-asa.

04 Hunyo 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Amnesia

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

Alam kong darating ang oras na itatanong mo sa akin
kung bakit ka naririto. Ilang ulit na rin akong dinalaw ng ganyang mga tagpo
hindi lang kapag pikit, kahit mulat: Habang pinakikintab ang itim na sapatos,
tuwing nakaharap sa salamin at inaayos ang kurbata,
kapag hinahalo ko sa gigil ang asukal sa kapeng mainit. Nag-iinit.
Alumpihit man ako sa pagsagot sa nagsasanga-
sanga mong mga tanong, alam kong napaniniwala kita
sa aking tugon. Ikaw ay ako kaya ka naririto.
Ikaw na walang pangalan. Akong ayaw pangalanan.
Paano kaya kung dumating ang pagkakataong mag-uusap na tayo
nang mukha sa mukha, salita sa salita, tanong sa tanong?
Masasabi ko pa rin kaya ang totoo kung bakit ka naririto?
Na walang noon,walang ikaw o ako, walang dating pangalan
sa mga salansanan ng nakaraan.

14 Hunyo 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Kish

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

kung hindi dahil sa kanya
hindi mo naman iisiping magpakalayo.
gaano ba kalayo ang malayo?
saan ang malayong hindi mo siya matatanaw,
na hindi mo maamoy ang kanyang pabango,
ang amoy ng kanyang balat, ng kanyang hininga.

mag-iilang gabi ka na rito.
pero gaya nang dati,naghihilahan
pa rin ang mga alaala at pangamba:
iniisip mo kung bakit sa huli’y hindi siya naniwala
na hindi naman kayo tatakas
kung hindi’y magkasamang lalaya.

21 Hunyo 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Weekend

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

inakala niyang hindi na naman siya dumating.

lapat na lapat pa rin ang puting bedsheet,
walang dantay ang mga unan
magkatabi pa rin ang pares ng tsinelas sa ilalim ng kama
maayos pa rin ang mga magazine sa center table
walang upos ng sigarilyo sa ashtray
at ang remote control ng tv
ay hindi namasyal sa gilid ng sofa gaya ng dati.

tinungo niya ang banyo
pero tahimik na nakatingin ang gripo.
walang mantsa ng tubig ang tiles,
walang pawis ang shower curtain,
walang alingasaw na naiwan ang matapang niyang mouthwash,
ni walang dungis ang salamin na lagi nang
natatalsikan ng pulang toothpaste.

pero pag diretso niya sa kusina,
siya naman ang nabigla.
kaninina pa pala nag-aabang sa kanya sa mesa
ang kapeng ngayo’y putlang-putla.

12 Abril 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia

Stopover

Jun 26, 2008 by rowan in Verses

sana’y parang stopover lang
itong paglalangas ng sugat
parang pagsusupil ng inip sa airport
habang naghihintay ka ng connecting flight.

sabay nang pag-abot mo ng boarding pass,
mawawala ang sugat.
walang maiiwang pilat sa balat.
walang makikitang bakas.

at pagkaupo mo, pagkasukbit ng seatbelt,
magsasalita ang pilot;
pwede nang mag-take-off ang plane
dahil wala kang bagahe ng galos.

07 Abril 2008
Al-Khobar, Kingdom of Saudi Arabia