Downloads
Ganito yata kapag kulang sa tulog at alipin ng ibang time zone.
Wala kasing patunguhan, anuman ang gustong simulan, dahil disoriented ang sistema ng katawan. Hindi na yata ako nasanay. Hanggang ngayon kasi’y wala akong maisip na matinong panimula para sa aking mga gawa.
Mga Gabi ng Pag-aabang.
Para yatang pokpok poems.
Pero hindi naman.
Wala lang talaga akong mapiling ibang pamagat para sa koleksyong ito ng ilang mga tulang naisulat ko mula sa huling bahagi ng 2003 at kalagitnaan ng taong ito. Nagkataon pa naman kasing palaging may gabi, palaging may pag-aabang, palaging may hinihintay na kung ano sa ‘king mga tula. Bibihira nga ang maliwanag na tagpo kundi’y mga kaganapang kalimitan ay madilim na may ambang pagbuhos ng ulan, parang laging may babagsak na langit, parang walang anomang sayang magagagap sa mga garalgal na taludtod.
Bagaman may mga tulang sadyang personal, karamiha’y bunga pa rin ng kakulitan, kwento ng kaibigan at hinanakit ng kung sino, minsan sa kung saan o kung kailan. Gusto ko pang magseryoso. Totoo. Marami pa akong gustong tulain: mula sa pinakapayak na paglapag sa papag ng binunot kong patay na buhok hanggang sa madugong pagtungkab sa langib sa nagsusugat na tuhod at hanggang sa matamang pagsuri sa pamamahalang nabubulok at pagsunog sa inuuod na mga diyos.
Pero minsan ayaw sumipa ng libog upang mailabas ang kinikimkim ng loob at maianak ang dapat pang maianak. Kaya kahit anong pilit kong kalasan ang tema ng pagmamahal at pagkabigo, ng paglimot at pag-aabang , ano’t bumabalik pa rin dito ang mga salitang ibinukod.
Ilan sa mga tulang bahagi ng koleksyong ito ay lumabas na sa Philippine Panorama Magazine, Tinig.com, Dalityapi Unpoemed, INQ7.net, Muse Apprentice Guild, Emanila.com, Kilometer64 chapbooks, Peyups.com, at T-Bloc Poetry Digest.
Para sa ilang nagtitiyagang basahin ako, para sa inyo ito.
15 Agosto 2005
Makati City